Pagdinig sa kaso ni Binay sa Senado tinapos na

Matapos ang dalawampu't limang pagdinig, tinapos na kanina ang pagiimbestiga ng Senado kay Bise Presidente Jejomar Binay ukol sa mga alegasyon ng korupsyon laban sa kanya. Ito ang pahayag ni Senador Aquilino 'Koko' Pimintel III sa pagbubukas ng mga pagdinig ngayong araw.

Ang pag-iimbestiga laban kay Binay ay pinangunahan ni Senador Antonio Trillanes IV. Batay sa kanilang paunang imbestigasyon, nauna nang ini-recomenda ng subcommitee sa Senado ang pagsasampa ng mga kasong plunder at mga kasong kriminal kay Binay at sa iba pang mga opisyal ng lungsod ng Makati dahil sa diumanong overpricing ng Makati City Hall 2 parking building.

Ang pagdinig ngayong araw ay dinaluhan din ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, na kaalyado ni Binay. Ito ang una niyang pagdalo sa mga pagdinig sa kaso mula ng kanyang pagpiyansa sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.

SAF 44 binigyang parangal sa anibersaryo ng Mamasapano massacre

Bumisita ngayong umaga sa Camp Crame si Pangulong Benigno Aquino The Third upang parangalan ang apatnapu't na apat na miyembro ng PNP Special Action Force na nasawi sa Mamasapano eksaktong isang taon na ang nakakaraan.

Ang apatnapu't apat na pinaparangalan ngayong araw ay ang mga nasawi sa operasyon kung saan napatay ang teroristang si Zulfikli Bin Hir alyas Marwan. Naka-sagupaan nila ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at iba pang mga armadong grupo na kanilang ikinasawi.

Isang malaking kontrobersya ang kinakaharap ng pangulo kaugnay ng operasyon, lalong lalo na dahil sa diumanong pagbibigay ng responsibilidad na pangunahan ang misyon sa suspendidong hepe ng PNP na si Alan Purisima.

Inarestong ministro ng Iglesia, inaasahan ang mas marami pang demanda

Nag-aabang pa sa maraming mga kasong isasampa laban sa kanya ang dating ministro ng Iglesia ni Cristo na si Lowell Menorca II.

Kasalukuyang nasa Ermita Police Station si Menorca, kung saan siya nakakulong noon pang Miyerkules. Habang kinukumpleto niya ang mga dokumento ng kanyang sampung libong piyansa kahapon ng umaga, ay inihain naman ang ikalawang warrant para sa kanya sa kasong libel mula sa isang korte sa Mindanao.

Sa warrant na ito ay tama na ang nakalagay na pangalan ni Menorca, hindi tulad ng nailagay na Lowell Menorca III sa naunang arrest warrant.

Inaresto si Menorca ng mga armado nguni't di naka-unipormeng pulis noong Miyerkules ng umaga bago makarating ang dating ministro sa pagdinig ng kaso sa Court of Appeals. Humihingi siya ng habambuhay na proteksyon laban sa Iglesia ni Cristo.

Iniulat na ang mga humuli kay Menorca ay mga tauhan ni Supt. Edilberto Leonardo ng Pandacan Police. Si Leonardo ay miyembro ng Iglesia ni Cristo. Itinanggi naman niya na may kinalaman ang relihiyon sa pag-aresto kay Menorca, at iginiit na ang operasyon ay naka-base sa kanilang paghahain ng warrent of arrest.